LONDON--Nabigong magpaputok ng maganda si national shooter Paul Brian Rosario sa ikalawa sa tatlong bahagi sa qualifying stage ng men’s skeet dahil sa malakas na hangin sa Royal Artillery barracks range.
Nagtala ang 31-anyos na si Rosario ng aggregate 66 points at tumapos bilang No. 32 sa kabuuang 36 lahok sa nasabing event.
May dalawa pang yugto sa qualifying stage ngunit malayo ang agwat ni Rosario para makasingit sa ikaanim at huling championship slot kahit makaputok siya ng dalawang perpektong 25 sa huling araw ng event.
‘’I am terribly disappointed to shoot that 19. Hindi naging smooth ang movement ko sa mid-second round. Parang nanigas,” ani coach Gay Corral sa sinabi sa kanya ni Rosario.
Sa panonood nina shooting head Mikee Romero at ang kinatawan ng IOC sa Pilipinas na si Frank Elizalde, nagpapuotk si Rosario ng 22 sa unang bahagi gamit ang kanyang luma nang Perazzi shotgun bago naglista ng 19 sa sumunod na yugto.
Maski ang perpektong 25 sa ikatlong yugto ay hindi magbibigay kay Rosario ng tsansang makalapit kay Vincent Hancock ng United States, nagsumite ng 74-point total sa likod ng isang 25 sa una at ikatlong yugto.
Sina Rosario at weightlifter Hidilyn Diaz ang ikalawa at ikatlong miyembro ng 11-man Team Phl na napatalsik sa kanilang mga events matapos si swimmer Jessie Lacuna na ang oras na 1 minuto at 52.91 segundo ay sapat lamang para sa 36th place sa kabuuang 40 entries sa men’s 200-m freestyle.