LONDON--Nabigo si 18-anyos Jessie Khing Lacuna na mapantayan o mahigitan ang kanyang personal best sa 200-m freestyle para kapusin sa hangaring disenteng laban sa paglahok sa London Olympics.
Lumangoy si Lacuna sa ikalawang heat sa anim na heats na ginawa sa nasabing event at naorasan lamang siya ng isang minuto at 52.91 segundo upang tumapos siya sa ikalima sa pitong naglaban sa nasabing heat.
Ang oras ay mababa sa kanyang personal best na 1:50.90 na ginawa sa isang invitational meet sa Singapore at dahil dito, nakontento lamang ang tubong Bulacan na tanker sa 36 puwesto sa 40 lumangoy.
Kung sakaling napantayan niya ang kanyang best time, maaari siyang tumapos sa 31st puwesto na inokupahan ni Radovan Siljevski ng Serbia na may 1:51.40 bilis.
Naorasan si Lacuna ng 27.79 segundo sa unang 50 meters bago nasundan ng 28.85 sa para sumunod na 50. Matapos nito ay bumagal na siya dahil sa kapaguran.
Ang nangunang 16 swimmers ang umabante sa semifinals ay si Sun Yang ng China ang nakapagsumite ng pinakamabilis na oras na 1:46.24 bago sumunod si Ryan Lochte ng US sa 1:46.45.
Tatangkain ni Yang ang ikalawang gintong medalya sa torneo matapos dominahin ang 400-m freestyle na nangyari noong Sabado.
Si Jasmine Alkhaldi ang ikalawa at huling swimmer ng Pilipinas na lalangoy sa 100-m freestyle sa Agosto 1.