LONDON--Sa kanyang inaasahang pinakalamaking laban, sasabak si shooter Paul Brian Rosario sa men’s skeet qualification round ngayon at kumpiyansang makakalusot sa mga bigatin niyang mga karibal at magkaroon ng hindi malilimutang una niyang Olympic Games.
Gagamitin ng 31-anyos na si Rosario ang luma ngunit maaasahan niyang Italian-made Perazzi shotgun na kanyang binili sa halagang $3,000 para labanan ang 35 pang shooters sa nakatayang anim na final round berths sa pamosong Royal Artillery Baracks.
“I think I have a chance. I worked hard to get here,’’ sabi ni Rosario, isang negosyante mula sa Malabon na nahilig sa shooting sa edad na 6-anyos. “I have good records in three World Cups. I’m hoping I will hit my targets well again.’’
Sa isa sa mga international competitions na kanyang sinalihan, tumipa si Rosario ng 120 na isang puntos lamang ang agwat sa winning total na 121 ni Vincent Hancock ng United States para sa gold medal sa 2008 Beijing Games.
Ang mga shooters ay hahatiin sa anim na grupo at makakasabayan ni Rosario sina Anders Golding ng Denmark, Stefan Nilsson ng Sweden, Ennio Falco ng Italy , Frank Falco ng Italy, Frank Thomson ng US at Anthony Terras ng France sa second bracket.
Bagamat nakapasok siya sa London Games bilang isang Olympic scholar athlete, nakuha naman ni Rosario ang minimum qualifying score sa anim na torneo, kasama ang tatlong World Cups sa huling dalawang taon.
Sa isang world shotgun meet sa Serbia noong 2011, nagposte si Rosario ng 120 sa 125 points para tumapos sa top 10 mula sa hanay ng 100 kalaban.