MANILA, Philippines - Apat sa 11 atleta ng Pilipinas na maglalaro sa London Olympics ang may tsansa na manalo ng medalya.
Ito ang binanggit ni Red Dumuk, National Course Director ng Olympic Solidarity Itinerang School for Sports Leaders, base sa kanyang pagsusuri nang dumalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Tinukoy niya sina boxer Mark Anthony Barriga, BMX Fil-Am rider Daniel Caluag, long jumper Marestella Torres at weightlifter Hidilyn Diaz na may potensyal na tapusin ang 12 taong kawalan ng medalya sa Olympics ng Pilipinas.
Ang 18-anyos na si Barriga ay napaboran dahil maglalaro siya sa light flyweight division na pinagmulan ng huling tatlong medalya ng bansa sa boxing, kasama ang pilak ni Mansueto Velasco sa 1996 Atlanta Games.
Si Caluag ay naispatan dahil kondisyon ito matapos lumahok sa tatlong Olympic qualifying races.
Kailangan naman nina Torres at Diaz na mapantayan ang kanilang best record na 6.71 meters at 225-kilogram buhat, para magkaroon ng tsansa.
Ang mga ito ay lampas sa bronze na naitala sa Beijing Games.