LONDON--Ipinangakong ibibigay ang lahat ng kanilang makakaya, tutuntong sina archers Mark Javier at Rachel Cabral sa Lord’s Cricket’s grounds sa Biyernes para simulan ang kampanya ng bansa sa 30th Olympic Games.
Lalahok sina Javier at Cabral sa ranking round kasama ang 64 atleta sa bawat dibisyon na magdedetermina kung sino ang maglalaro sa single elimination, head-to-head elimination na magbubukas sa round of 32 sa Hulyo 30.
Tutudla ang 30-anyos na si Javier, beterano ng 2008 Beijing Olympics, sa alas-9 ng umaga, habang si Cabral ay makikita sa ala-1 ng hapon bilang dalawa sa 11 Filipinos na unang sasabak sa aksyon.
“Handang handa na po,’’ sabi ni Cabral bago samahan si Javier sa kotse na magdadala sa kanila sa practice venue.
Iinit ang labanan sa round of 32 stage kung saan ang No. 1 finisher ang tatapat sa 64th placer, makakaharap ng No. 2 ang No. 63 at ang mga mananalo ay papasok sa round of 16.
Halos dalawang buwan nagsanay sina Javier at Cabral sa ilalim ni Korean coach Chung JaeHun, isang dating world champion at silver medalist sa 1992 Barcelona Olympics.
“Since he retired only a few years ago, the enthusiasm of an athlete is still there. He has fresh ideas. We’re fine with him,’’ ani Javier.