MANILA, Philippines - Hindi hadlang ang pagiging isang wildcard ni Brian Rosario para mabigo siya sa hangaring tagumpay sa London Olympics.
Si Rosario ang natatanging shooter ng Pilipinas na nasa kompetisyon at kakampanya siya sa skeet event.
Nabigyan siya ng pagkakataon na makapagsanay ng libre sa pasilidad ng London sa loob ng tatlong linggo at ito ang siyang pinanghahawakan ng mga taong nananalig sa kanyang kakayahan.
“He’s very determined shooter and he wants to prove something,” wika ng pangulo ng Philippine National Shooting Association (PNSA) na si Mikee Romero patungkol kay Rosario na kasama ang coach na si Gay Corral.
“He’s doing very well in practice, shooting 24 to 25 now. Acclimatized na rin siya sa weather dahil three weeks na siya nandoon, and I just hope he reaches his peak next week,” dagdag pa ni Romero.
Maging ang ama ni Rosario na si Paul ay kumbinsidong magbibigay ng magandang laban ang kanyang anak.
“He’s been shooting since 12 years old, so this is his ultimate dream. Wala naman siyang ipinangako kundi gagawin niya raw ang lahat para gumanda ang performance niya,” wika ng nakatatandang Rosario.
Ang aksyon sa skeet ay magsisimula sa Hulyo 30 at 37 ang magtatagisan rito at ang mangungunang anim na shooters matapos ang qualifying round ang siyang aabante sa finals kinabukasan.
Si Romero ay tutulak bukas patungong London para personal na suportahan at saksihan ang laban ng kanyang pambato.