MANILA, Philippines - Sisikapin ngayon ng San Beda na maibalik ang kanilang winning form sa pagbangga sa St. Benilde sa pagpapatuloy ng aksyon sa 88th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay masisilayan sa ganap na alas-4 ng hapon at ang Red Lions ay papasok sa labanan mula sa masakit na 87-88 pagkatalo sa kamay ng Perpetual Help noong Hulyo 12.
Nasayang ang milagrosong buzzer-beat sa halfcourt ni Baser Amer na nagtabla sa score sa regulation, 72-72, nang hindi napigilan sina Jet Vidal at Earl Thompson upang lasapin ang unang pagkatalo matapos ang dalawang dikit na panalo.
Dahil sa pangyayari, inaasahang totodo uli ang laro ng tropa ni coach Ron-nie Magsanoc at hindi papapormahin ang Blazers na sa ngayon ay may pantay na 2-2 karta.
Ang ikalawang laro sa dakong alas-6 ng gabi ay sa pagitan ng Mapua Cardinals at Letran Knights na parehong nangangailangan ng panalo upang gumanda ang puwesto sa standings.
May tatlong sunod na pagkatalo ang tropa ni coach Louie Alas at sila ang mas nangangailangan ng tagumpay at lalakas ang kanilang tsansa sa pagbabalik ni Jam Cortes mula sa isang larong suspensyon.
Ngunit hindi basta-basta padadaig ang Cardinals na posibleng kakitaan ng paglalaro ng apat nilang rookies sa pangunguna ni Gabriel Banal.
Isang Mancom meeting ang gagawin sa ganap na alas-10 ng umaga upang pag-aralan ang bagong dokumento na isinumite ng Cardinals para kina Banal, Joseph Eriobu, Mark Brana at Jessie Saitanan.
Kailangang mapatunayan na nakapasa ang mga ito sa huling semester para makalaro sa gabing ito.