MANILA, Philippines - Unahan sa mahalagang 1-0 kalamangan ang mangyayari sa pagitan ng back-to-back defending champion Manila Sharks at two-time champion Cebu Dolphins sa pagbubukas ng Baseball Philippines Series 9 Finals ngayon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ala-1 ng hapon at magsisilbing panghimagas ay ang exhibition game sa pagitan ng Alabang Tigers at Philippine Sakada sa ganap na alas-9 ng umaga.
Parehong dumaan sa butas ng karayom ang dalawang koponan sa semifinals kaya’t inaasahang handang-handa ang mga manlalarong ito sa best-of-three finals.
“Mahalaga ang Game One dahil ang mananalo rito ay puwedeng magtuluy-tuloy na. Gagawin namin ang lahat para manalo rito,” wika ni Dolphins team manager Isaac Bacarisas na tinalo ang Alabang Tigers sa ikalawang laro sa Final Four, 17-9.
Ang pride ng pagiging back-to-back champions ang bitbit ng Sharks sa labanang ito.
Naipakita ng tropa ni team manager Jhoel Palanog ang championship experience nang balewalain nila ang twice-to-beat advantage ng Dumaguete Unibikers matapos kunin ang 12-10 panalo sa ikalawang tagisan.