MANILA, Philippines - Bubuksan ng host National University ang kanilang kampanya sa 75th UAAP men’s basketball tournament sa pagsagupa sa University of the East ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtatagpo ang Bulldogs at ang Red Warriors sa ganap na alas-2 ng hapon matapos ang makulay na opening ceremonies.
Sa alas-4 naman maghaharap ang University of Sto. Tomas at Far Eastern University.
Bukas sisimulan ng four-peat champions Ateneo De Manila University ang kanilang pagtatanggol sa korona kontra sa Adamson University.
“It’s always hard to play the first game. There are jitters then you’re also playing in a new arena,” sabi ni NU coach Eric Altamirano.
Nagkampeon sa pre-season tournament, puntirya ng Bulldogs ang isang tiket sa Final Four ngayong taon.
Muling babanderahan nina 2011 UAAP Most Valuable Player Bobby Ray, Parks, Jr. at Cameroonian import Emmanuel Mbe ang NU.
Si Parks, anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks, ay nagposte ng mga averages na 20 points, 6.5 rebounds at 2.9 assists per game noong nakaraang season.
Aasahan naman ni Red Warriors’ mentor Jerry Codiñera sina Roi Sumang, Sam Razon, Adrian Santos, Ivan Hernandez, Erwin Duran at Chris Javier.