MANILA, Philippines - Matapos talunin ang mga ayaw makipagsabayang sina Omar Narvaez, Wilfredo Vazquez, Jr. at Jeffrey Mathebula, isang Mexican warrior naman ang inaasahang magbibigay ng mabigat na laban kay unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na itinakda na niya ang banggaan nina Donaire at Jorge Arce ng Mexico sa Oktubre sa Staples Center sa Los Angeles, California.
“There is still no exact date but it’ll be in October,” wika ni Arum sa pagtatakda niya ng suntukan nina Donaire at Arce.
Tinalo ni Donaire si Narvaez via unanimous decision, habang binigo niya si Vazquez sa pamamagitan ng split decision at hinubaran ng korona si Mathebula mula sa isang unanimous decision win.
Kasabay ng kanyang matagumpay na pagdedepensa sa kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO), inagaw ni Donaire kay Mathebula ang bitbit nitong International Boxing Federation (IBF) belt noong Linggo sa Home Depot Center sa Carson, California.
Tangan ngayon ng 29-anyos na si Donaire ang kanyang 29-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs, habang hawak naman ng 32-anyos na si Arce ang 60-6-2 (46 KOs) card.
Si Arce, nagkampeon na sa light flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight divisions kagaya ni Donaire, ay kilalang hindi umaatras sa anumang laban.
“It’s Arce either in October or November. We are committed to fight Arce, we have an agreement, verbal agreement, to fight Arce,” ani Cameron Dunkin, ang manager ni Donaire.
Ikinunsidera rin ni Arum para makalaban ni Donaire sina Toshiaki Nishioka ng Japan at Guillermo Rigondeaux ng Cuba.
Si Rigondeaux ang World Boxing Association (WBA) ruler at mga dating kampeon naman sina Arce at Nishioka.
Napilitang isuko ni Nishioka (39-4-3, 24 KOs) ang kanyang WBC title nang hindi siya makalaban sa loob ng isang taon.
Nasa listahan naman ni Donaire si Abner Mares (24-0-1, 13 KOs) ng Mexico na siyang World Boxing Council (WBC) super bantamweight titlist.