MANILA, Philippines - Matapos umiskor ng 13 points mula sa 3-of-4 shooting sa three-point range sa halftime, hindi na nakabalik pa si leading scorer Gary David bunga ng kanyang left ankle sprain injury.
Ngunit imbes na panghinaan ng loob ay mas naging determinado pa ang Tigers.
Tinalo ng Powerade ang Barako Bull, 99-95, sa unang playoff game para makatapat ang Meralco sa ikalawang playoff match para sa ikaanim at huling semifinals berth ng 2012 PBA Governors Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
“Earlier I had mixed feelings about the absence of Gary. But I know at the back of my mind at any given time, any player like Josh (Vanlandingham) and Lordy (Tugade) can step up anytime and pick up the cudgles for us,” sabi ni coach Bo Perasol.
Umiskor si Vanlandingham ng 18 points mula sa kanyang apat na three-point shots para saluhin ang naiwang trabaho ni David.
Magsasagupa ang Tigers at Bolts ngayong alas-6:30 ng gabi sa Big Dome.
Mula sa 52-52 pagkakatabla sa first half, isang 13-2 atake ang ginawa nina import Omar Sneed, Sean Anthony, Rey Guevarra at JVee Casio para ilista ng Powerade ang isang 11-point lead, 65-54, sa 7:03 ng third period patungo sa pagtatala ng isang 13-point advantage, 76-63, sa 1:56 nito.
Huling nakalapit ang Barako Bull sa 82-89 sa 7:11 ng fourth quarter.
Magsisimula ang carry-over semifinal round sa Biyernes kung saan makakalaban ng Barangay Ginebra ang mananalo sa pagitan ng Powerade at Meralco sa alas-5:15 ng hapon at magtatagpo ang Rain or Shine at nagdedepensang Petron Blaze sa alas-7:30 ng gabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Sa Sabado ay maghaharap naman ang B-Meg at Talk ‘N Text para sa unang laro ng PBA sa Mall of Asia Arena sa alas-8 ng gabi.
Powerade 99 - Sneed 24, Vanlandingham 18, David 13, Anthony 10, Guevarra 10, Casio 10, Lingganay 7, Salvador 4, Belasco 2, Tugade 1, Adducul 0.
Barako Bull 95 - Hickerson 20, Seigle 20, Kramer 14, Miller 10, Tubid 9, Pennisi 8, Cruz 7, Allado 7, Vergara 0, Salvacion 0.
Quarterscores: 28-26; 52-52; 79-70; 99-95.