Playoff puntirya ng Bolts, Energy

MANILA, Philippines - Habang pipilitin ng Elasto Painters at Tropang Texters na painitin ang kanilang mga ratsada, hangad naman ng Bolts at Energy na makasilip ng tsansa sa playoff para sa isang semifinals seat.

Magtatapat ang Meralco at ang Barako Bull nga­yong alas-4:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng mga semifinalists nang Rain or Shine at Talk ‘N Text sa alas-6:30 ng gabi sa eli­mination round ng 2012 PBA Governors Cup sa Smart-Araneta Coliseum.

Anim na koponan ang papasok sa semifinals, ha­bang apat naman ang ma­papatalsik.

Umabante na sa semis ang Elasto Painters, Tropang Texters, Ginebra Gin Kings at nagdedepensang Petron Blaze Boosters, sa­mantalang nasibak na ang Alaska Aces at Air21 Express.

 Tangan ng Rain or Shine ang 7-1 baraha ka­su­nod ang B–Meg (5-3), Talk ‘N Text (5-3), Ginebra (5-4), Petron (5-4), Po­werade (4-4), Meralco (4-4), Barako Bull (3-5), Air21 (2-7) at Alaska (2-7).

Kasalukuyan pang nag­lalaro ang Llamados at ang Tigers sa Legazpi City habang isinusulat ito.

“The drive for five con tinues for us. We want to give ourselves a chance to nail one of the six slots available,” ani coach Ryan Gregorio sa kanyang Bolts. “We do not want to leave anything to chance that is why we will make sure that we will come out with incredible energy.”

Nagmula ang Meralco sa 91-78 panalo sa Po­werade noong Hunyo 24, habang nakalasap naman ang Barako Bull ng isang 91-102 kabiguan sa Ginebra noong Biyernes.

Sa ikalawang laro, ha­ngad ng Elasto Painters na mapanatili ang kanilang pagkapit sa liderato papunta sa inaasam na kauna-una­han nilang finals appearance.

Ang Tropang Texters na­man ang pinakamainit na koponan sa kasalukuyan matapos magposte ng apat na sunod na panalo.

Show comments