Manila, Philippines - Unang titulo sa ASEAN Basketball League ang pinag-aagawan ng San Miguel Beermen at Indonesia Warriors kaya’t makakaasang magiging mainit ang tagisan sa do-or-die Game Three ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Aasa ang Beermen sa mainit na suporta ng mga kababayan sa larong itinakda na magsimula sa na alas-4 ng hapon habang ang kumpletuhin ang pagbangon mula sa 0-1 deficit sa maigsing best of three finals series ang magpapalakas ng loob sa dayong Warriors.
Hindi natalo ang dalawang koponan sa kanilang homecourt sa unang dalawang tagisan at nakauna ang Beermen, ang top team matapos ang triple-round elimination sa dikitang 86-83 panalo bago bumawi ang Warriors sa Game Two noong nakaraang Sabado sa Jakarta sa 81-61 dominasyon.
Wala ng saysay ang mga resultang ito dahil sa rubbermatch, ang puso at determinasyon ng bawat manlalaro ang siyang mahalaga.
“They really beat us in our last game. We were out of the game totally. Now there’s a tendency for pride to come into play,” ani Beermen coach Bobby Parks Sr.
Ang kanyang starters na sina Duke Crews, Nick Fazakas, Leo Avenido at Chris Banchero ay inaasahang babangon matapos ang mahinang laro dahilan upang makatabla sa 1-1 ang Warriors.
Tatapatan sila ng starters ng Warriors na sina Evan Brock, Steve Tho-mas, Stanley Pringle at Mario Wuysang kaya’t ang magiging susi at magdedetermina sa mananalo ay ang suporta ng bench.