MANILA, Philippines - Ginulat ni Jundel Mazon si Shane Van Boening ng USA, 9-4, sa Group C para pangunahan ang anim na Filipino pool players na nalusutan ang loser’s bracket at makalaro sa Knockout stage sa idinadaos na 2012 World 9-ball Championship sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar.
Bukod kay Mazon, sina Dennis Orcollo, Marlon Caneda, Elvis Calasang, Joven Alba, Israel Rota ang iba pang nakahabol ng puwesto sa Last 64.
Kinalos ni Orcollo ang kababayang si Raymund Faraon, 9-2 sa Group O; si Caneda ay umiskor ng 9-3 panalo kay Ceri Worts ng New Zealand sa Group N; si Calasang ay wagi kay Al Amar Abdul Rahman ng Kingdom of Saudi Arabia, 9-7 sa Group K at sina Alba at Rota na naglaro sa Group P ay nanaig kina Afou Nayf Abdel ng Jordan, 9-5, at David Anderson ng South Africa, 9-7.
Minalas naman sina Joyme Vicente at Ramil Gallego na lumasap ng 8-9 at 7-9 na pagkatalo laban kina Huidi See ng Netherlands sa Group A at Hsu Kai Lun ng Chinese Taipei upang mamaalam sa torneo.
Umabot sa 12 ang Pinoy cue artists na nasa knockout stage pero mababawasan agad sila ng isa dahil magtatapat agad sina Mason at Ronato Alcano.
Ang iba pang tagisan ay sa pagitan nina Francisco Bustamante at Chao Fong Pang, Efren “Bata” Reyes at Toh Lian Han, Lee Van Corteza at Serge Das, Antonio Gabica at Mario He, Carlo Biado at Ohi Naoyuki, Roberto Gomez at Liu Haitao, Orcollo at Andrew Kong, Caneda at Nick van den Berg, Rota at Hao Xiang Han, Calasang at John Morra, Alba at Chang Jung Lin.