Corteza, apat pa nakapasok sa 2nd round ng World 9-ball

MANILA, Philippines - Lima pang Filipino pool players ang uma­bante sa second round sa winner’s group upang tumibay pa ang hanga­ring magkaroon ng maraming lahok sa knockout stage sa 2012 World 9-ball Cham­pionship kahapon sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar.

Sina Lee Van Corteza, Ronato Alca­no, Dennis Orcollo, Antonio Gabica at Mar­lon Caneda ang nanatiling nasa win­ner’s group upang makasama kina Ef­ren “Ba­ta” Reyes, Francisco “Django” Bus­taman­te, Carlo Biado, Jundel Mazon, Ro­berto Go­mez, Ramil Gallego at Joyme Vi­cente na mangangailangan ng isang pa­nalo pa­ra umusad sa main draw .

Si Corteza ang may pinakamainit na pa­­nalo nang bokyain si Ivaca Putnik ng Croatia, 9-0, sa Group N.

Nangibabaw ang husay ng 2006 champion at runner-up noong nakaraang taon na si Alcano kay Toh Lian Han ng Singapore, 9-3, habang si Gabica ay umukit ng 9-4 ta­gumpay kay Andrea Klasovic ng Serbia, 9-4, sa Group M; nanaig si Orcollo kay Ali Saeed Alsuwaidi ng United Arab Emirates, 9-6, at si Caneda ay nanalo kay Francisco Diaz Pizarro ng Spain sa Group N.

Natalo naman sa unang laro sina Elvis Ca­lasang, Raymond Faraon, Joven Alba at Is­rael Rota pero palaban pa rin sila sa pu­westo sa susunod na round.

Natalo si Calasang kay Hao Xiang Han ng Hong Kong, 6-9, ngunit nanaig kay Kou Yi Che ng Taipei, 9-8 sa Group K; si Faraon ay nabigo kay Johnny Martinez ng US, 8-9, pero bumawi kay Richard Jones ng England, 9-6 sa Group O.  

Show comments