MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng Indonesia Warriors na maulit pa ang selebrasyon ng isang koponan mula sa Pilipinas sa kanilang homecourt nang durugin ang San Miguel Beermen, 81-61, at itabla ang 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) best of three finals sa 1-1 kagabi sa Mahaka Square, Jakarta, Indonesia.
Ipinakita ng Warriors na desidido silang mapanalunan ang kauna-unahang titulo sa ABL nang dominahin ng starters at bench players ng koponan ang katapat sa bisitang koponan tungo sa dominanteng panalo.
Si Evan Brock ang nanguna sa Warriors sa kanyang 26 puntos at 16 rebounds habang ang iba pang inaasahan na sina Stanley Pringle at Steve Thomas ay may 13 at 12 puntos. Si Thomas ay humablot din ng 10 rebounds para hawakan ng host ang rebounding, 37-21, tungo sa 13-4 second chance points agwat.
Pero ang nakatulong ng malaki sa panalo ay ang suporta ng bench players sa pangunguna ni Jerick Canada na may siyam na puntos para bigyan ng 24-16 bentahe ang Warriors laban sa Beermen.
Ang tres nina Canada at Rony Gunawan ay nakatulong para ilayo ang Warriors sa 40-28 sa second period habang ang tres ng reserve na si Amin Prihantono ang nagpasiklab sa 12-2 bomba tungo sa paglaki ng kalamangan sa 21, 64-43, sa ikatlong yugto.
Sa unang season ng liga noong 2009 ay napasok din sa finals ang Indonesia at hinarap ang Philippine Patriots na winalis ang best of five finals at ang huling laro ay nangyari sa nasabing venue.
Si Nick Crews ay may 16 puntos habang si Nick Fazekas ay may 10 lamang.
Ang Game 3 ay babalik sa Ynares Sports Arena sa Pasig City sa Hunyo 30.