6 na ang pambato ng Pinas sa London Paralympics Games

MANILA, Philippines - Anim na ang panlaban ng Pilipinas sa XIV Paralympics sa London na gagawin mula Agosto 29 hanggang Setyembre 9.

Si Marites Burce na isang double gold medalist sa 2011 ASEAN Paragames ang naisama na sa talaan at lalaro siya sa F54 classification.

“We have received confirmation from the International Paralympics Committee for Marites Burce saying she is now officially qualified for London,” wika ni Butch Weber ang secretary-general ng Philippine Sports Association for the Differently-Abled o Philspada.

Si Burce ay pambato sa discus throw, javelin throw at shot put.

Ang mga naunang kumpirmado ng manlalaro ay sina Adeline Dumapong-Ancheta, Achelle Guion at Agustin Kitan ng powerlifting; Josephine Medina ng table tennis at Bea Roble ng swimming.

Posible pang madagdagan ang bilang ng manlalaro dahil hinihintay pa ang kumpirmasyon ng isang cyclist at posibleng isa pang swimmer o trackster.

“We’re really excited because this is the biggest delegation we will be sending in a Paralympics. Hopefully, we will be able to win a medal in London,” wika naman ni Philspada chairman Mike Barredo.

Si Dumapong-Ancheta pa lamang ang manlalaro ng bansa na nakasungkit ng medalya sa Paralympics nang angkinin ang bronze medal sa Sydney Games noong 2000.

Show comments