MANILA, Philippines - Magkaibang ruta man ang dinaanan ay pareho pa ring nalusutan nina Rubilen Amit at Iris Ranola ang group eliminations sa 2012 World Women’s 9-ball Open Championships na natapos kahapon sa Richgate Shopping Center sa Shenyang, China.
Hindi natalo sa winner’s group si Amit sa Group E nang manaig siya kay Junko Tsuchiya ng Japan sa 7-6 iskor para makasama si dating World champion Kelly Fisher na pumasok sa Last 32.
Napahirapan naman ng kaunti ang kasalukuyang 8-ball at 9-ball champion sa SEA Games na si Ranola dahil kinailangan niyang magpakatatag sa loser’s group upang makausad sa knockout stage sa Group C.
Bumagsak si Ranola sa one-loss side nang lasapin ang 1-7 pagkadurog kay Chinese bet Yu Han.
Sa loser’s group ay kinaharap niya si Charlene Chai Zeet Huey ng Singapore at nailusot ng Pinay cue artist ang 7-6 iskor.
Ang draw sa Last 32 ay ginagawa pa at inaasahang palaban pa sina Amit at Ranola para manatiling buhay ang hanap ng Pilipinas na kauna-unahang women’s 9-ball champion.
Ang pinakamataas na pagtatapos na naabot ng Pilipinas sa kompetisyon ay noong 2007 nang pumangalawa si Amit kay Pan Xiaoting ng China na nilaro sa Taoyuan, Taiwan.