MANILA, Philippines - Hindi napigil ang malakas na puwersa ng Kenyan runners upang makapagdomina sa idinaos na Unilab Active Health Run United 2 sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Sina Samuel Kasia at Ester Kipserem ang mga hinirang na kampeon sa 21-k na nilahukan ng 5,000 mananakbo na siyang pinakamalaki sa distansya.
Si Kasia ay naorasan ng 1:08:42 para manalo sa mga kababayang sina Benjamin Kipkazi (1:08:56) at Jackson Chirchir (1:12:19).
May 1:23:57 bilis naman si Kipserem para iwanan ang mga nakalabang sina Christabel Martes (1:30:21) at Irish runner Aileen Breen (1:39:13).
Sinungkit ng kampeon ang P8,500 habang P7,500 at P6,500 ang napunta sa pumangalawa at pumangatlo.
Winalis din ng Kenyans ang 10-k male division nang sina Elliud Kering (31:58), David Kipsano (32:40) at Julius Jemoshi (33:47) ang nagdomina rito
Ang iba pang nagsipanalo sa mga dibisyong walang dayuhan ay sina Nhea Ann Barcena (42:33) sa women’s 10-K; number one junior triathlete na sina Allen Santiago (18:23) at Ana Jean Tamayo (19:22) sa 5k.