Manila, Philippines - Naipasok ni Froilan Baguion ang panablang tres para maibigay din sa San Miguel Beermen ang momentum sa laro tungo sa 86-83 panalo sa Indonesia Warriors sa Game One ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang tres ni Baguion ang nagbangon sa Beermen mula sa 72-77 iskor bago bumanat ng 3-point play si Nick Fazekas upang ibigay ng tuluyan ang kalamangan sa tropa ni coach Bobby Parks Sr., 80-77.
Nagkaroon pa ng pagkakataon na makatabla ang Warriors nang split lamang ang ginawa ni Leo Avenido sa 15-foot line may 11.3 segundo pa sa laro.
Pero tumalbog papalabas ang pinakawalang tres ni Mario Wuysang para ibigay sa home team ang 1-0 kalamangan sa best of three series.
“Froilan has won two ABL titles the past years so we knew what we have,” wika ni Parks sa beteranong pointguard na mayroon ding 9 assists sa labanan matapos ipagkatiwala sa kanya ang pagpapatakbo ng opensa ng Beermen sa second half habang si Chris Banchero ay tumutok sa pagdepensa kay Stanley Pringle.
Ang batikang Fil-Am import ng Warriors na si Pringle ay nagtala ng 14 puntos sa first period pero nang napag-aralan na ay naposasan sa second half at tumapos lamang taglay ang 21 puntos. May anim na turnovers din si Pringle na nakatulong sa pagbangon ng Beermen mula 14 puntos pagkakalubog sa first half.
May 22 puntos si Duke Crews habang si Fazekas na gumawa ng pito sa huling yugto ay naghatid ng 18 puntso at 13 rebounds.
Si Banchero ay nagdagdag ng 11 puntso at 7 assists at ang Beermen ay nangibabaw sa assist department, 26-18.
May 24 puntos si Evan Brock pero apat lamang ang kanyang ginawa sa huling 10 minuto ng bakba-kan para matapos na rin ang seven game winning streak ng Warriors.