MANILA, Philippines - Hinirang si Southern Luzon bet Jose Gil Belen bilang overall winner sa katatapos na 2nd RGCI (Revenues Gun Club Inc.) shootfest ng Bureau of Internal Revenue sa QCPD firing range sa Camp Karingal, Quezon City.
Nagtala si Belen ng pinakamataas na iskor sa mga RGCI members at pumangalawa sa Man vs Man Steel Challenge na nagtampok sa top 16 shooters ng event kung saan siya natalo kay Jaime Roldan ng Mindanao sa finals.
Tinanghal naman si Rhodora Alvarez ng NCR bilang top scorer sa ladies’ division. Pinag-reynahan rin niya ang Lady vs Lady Steel Challenge competition nang biguin si Northern Luzon pride Nerissa Agraam.
Tinalo ng NCR bilang top team ang Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas at Mindanao. Nagwagi rin ang NCR sa Team vs Team Steel
Nanguna si RGCI president Tom Rosales ng NCR sa Executive category, habang sina Roldan at Belen ang tinanghal na best shooters sa Junior Executive at Group Supervisors/Revenue Officers divisions, ayon sa pagkakasunod.
Sina BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares at national champion Nathaniel “Tac” Padilla ang nagpaputok ng ceremonial shots sa event na kinilalang Level 1 match ng Philippine Practical Shooting Association at nilahukan ng 80 RGCI participants at ni veteran actor Eddie Garcia.