LOS ANGELES--Pinag-aaralan ni Manny Pacquiao ang kanyang opsyon: maaaring muli niyang labanan o hindi na si Timothy Bradley sa isang rematch sa Nobyembre.
“Puwede mag-rematch, puwede hindi. It depends,” wika ng Filipino superstar sa kanyang kuwarto sa La Palazzo apartment.
Ngunit kung matutuloy ang rematch, sinabi ni Pacquiao na titiyakin niyang ito ay magiging kumbinsido.
“Wala nang judges,” wika ni Pacquiao na determinado nang pabagsakin si Bradley.
Sinabi ng dating WBO welterweight champion na natalo kay Bradley via a controversial split decision noong Linggo sa Las Vegas na pag-iisipan muna niya ito.
“If everybody else thinks that I won the match, then why do we have to do a rematch,” wika ni Pacquiao.
Malinaw na dinomina ni Pacquiao ang kanilang 12-round contest ni Bradley sa MGM Grand, ngunit natalo naman siya sa mga mata ng judges, ang dalawa sa kanila ay umiskor ng magkatulad na 115-113 para sa American.
Ang isang judge ay nagbigay kay Pacquiao ng 115-113 iskor.
Ang promoter ni Pacquiao na si Bob Arum ay humiling na ng isang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring iskoran at nagsumite ng formal protest sa Attorney General’s Office sa Nevada.
Sinabi naman ni Nevada State Athletic Commission Executive Director Keith Ki-zer na isa-isa niyang ipapatawag ang tatlong judges kung paano sila nag-iskor ng laban.
Ito na ang sinasabing pinakakontrobersyal na desisyon sa boxing history matapos matalo si Roy Jones kay Park Si-hun sa finals ng 1988 Seoul Olympics.
May nakalagay na rematch clause sa fight contract, ngunit nasa fighting Congressman na kung gusto niya itong mangyari sa Nobyembre.
Bago pa man ang laban ay ipinagyabang na ni Bradley na tatalunin niya si Pacquiao, at gumawa rin siya ng gimik para sa kanilang rematch.