LAS VEGAS--Kagaya ng kanyang ipinangako, ginulat ni Timothy Bradley ang buong mundo matapos itakas ang kontrobersyal na split decision win laban kay Manny Pacquiao at agawin sa huli ang suot nitong WBO welterweight crown kahapon sa MGM Grand.
Ang panalo ni Bradley ay may kasamang tulong ng tatlong judges na binuska ng 14,206 boxing fans.
Tumanggap si Pacquiao ng 115-113 points, habang nabigyan naman si Bradley ng 115-113 para sa split decision.
“It is so bizarre. It is unfathomable,” wika ni Top Rank chief Bob Arum sa post-fight press conference.
Nang marinig ang nasabing desisyon, halos sabunutan ng promoter ang kanyang sarili at hinarap ang press box na hindi makapaniwala.
“I have never been ashamed to be associated to the sport of boxing as I am tonight. This is ridiculous. This is absurdity,” wika ni Arum, nagsabing nakasaad sa fight contract na magkakaroon ng rematch sina Pacquiao at Bradley sa Nobyembre 10.
“I want a rematch. I want a rematch,” sabi naman ni Pacquiao.
Matapos ihayag ni ring announcer Michael Buffer ang 115-113 iskor ni judge Jerry Roth para kay Pacquiao, may palakpakang narinig mula sa mga manonood at nang basahin ni Buffer ang 115-113 iskor nina CJ Ross at Duane Ford para kay Bradley kasunod ang paghahayag sa bagong welterweight champion ay malakas na sigawan ang umalingawngaw bilang protesta ng mga fans.
“This is the worst boxing decision I’ve seen in my life,” wika ni dating Manila Mayor Lito Atienza palabas ng arena.
Dinomina ni Pacquiao ang buong 12 rounds. May pagkakataon na napakalog niya ang mga tuhod ni Bradley kagaya sa fourth round. Ngunit nabigo siyang mapabagsak ang American fighter.
Ang mga punch stats ay pumabor sa Filipino boxing superstar na hindi pa natatalo sa nakaraang pitong taon matapos ang kanyang kabiguan kay Erik Morales sa MGM ring.
Sinabi naman ni Bradley na nagkaroon siya ng sprained left ankle injury sa second round. Ipinakita niya ito sa post-fight presser sakay ng isang wheelchair.
“I was told by my corner that if I win the final round I would win the fight,” ani Bradley, tangan rin ang WBO junior-welterweight belt.