MANILA, Philippines - Nagtulung-tulong ang manlalaro ng University of Santo Tomas mula sa second set para kunin ang 16-25, 25-20, 25-22, 25-23 panalo sa nagdedepensang Ateneo sa game one ng 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart Finals kagabi sa The Arena sa San Juan.
Pinatatag ng Lady Tigresses ang kanilang depensa habang kumuha ng mahahalagang puntos sa inaasahang manlalaro tungo sa 1-0 kalamangan sa maigsing best of three series.
Si Maika Ortiz at Maru Banaticla ay nakapagtala ng mahahalagang kills matapos ang huling tabla sa 22-all sa fourth set.
Tuluyang natapos ang laban na tumagal ng isang oras at 43 minuto, sa isang reception error ng Lady Eagles para lumapit ang Tigresses sa isang panalo tungo sa pagsungkit ng ikapitong titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Lumapit din ang San Sebastian sa isang panalo para angkinin ang ikatlong puwesto sa torneong may suporta rin ng Accel at Mikasa nang iuwi ang 25-14, 25-23, 16-25, 32-34, 15-9 panalo sa University of Perpertual Help.
Samantala, si Bualee ang hinirang bilang Best Scorer sa individual awards na ibinigay matapos ang unang laro.
Ang iba pang pinarangalan ay sina Utaiwan Kaensing ng UST (Best Attacker) Ateneo’s Lithawat Kesinee (Best Blocker), UST’s Judy Caballejo (Best Server), Angelique Dionela ng Perpetual Help (Best Digger), Ateneo’s Denden Lazaro (Best Receiver) at Sandra delos Santos ng Perpetual (Most Improved Player).