MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng nagdedepensang Petron Blaze ang solong ikalawang puwesto, habang target naman ng Talk ‘N Text at Powerade ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Haharapin ng Boosters ang Alaska Aces ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Tropang Texters at Powerade Tigers sa alas-4:15 ng hapon sa elimination round ng 2012 PBA Governors Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Kasalukuyang tangan ng Rain or Shine ang liderato mula sa malinis nilang 3-0 kartada kasunod ang Petron Blaze (2-1), B-Meg (2-1), Barangay Ginebra (1-1), Barako Bull (1-1), Alaska (1-2), Talk ‘N Text (1-2), Air21 (1-2) at Meralco (1-2).
Nanggaling ang Boosters sa 87-102 kabiguan sa Tropang Texters noong Miyerkules kung saan nagbida sina Ranidel de Ocampo at Japeth Aguilar, habang natalo naman ang Aces sa Tigers, 97-114, noong Biyernes.
Sa unang laro, mag-uunahan naman ang Talk ‘N Text at Powerade na mailista ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Ang 6-foot-5 import ng Tigers na si Omar Sneed ay ikinunsidera ng Tropang Texters sa gitna ng kanilang best-of-seven semifinals series ng Aces sa 2010 Fiesta Conference bilang kapalit ni Shawn Daniels.
Ngunit hindi kinuha ni coach Chot Reyes ang 35-anyos na si Sneed dahil wala ito sa kondisyon matapos ang dalawang linggong pakikipag-ensayo sa Talk ‘N Text.
Pero pagkatapos ng dalawang linggong ensayo ay nagdesisyun ang TNT na manatili sa piling ni Daniels.
“We got an import that can match-up with the import of any opponent. I think we got a chance every time now,” sabi naman ni Powerade coach Bo Perasol kay Sneed na kumolekta ng 13 points, 11 rebounds at 9 assists sa kanyang unang laro sa PBA.