MANILA, Philippines - Dumiretso sa kanilang ikalawang sunod na panalo ang nagdedepensang Petron Blaze matapos talunin ang Meralco, 101-88, para makisalo sa liderato sa 2012 PBA Governors Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Umiskor si import Eddie Basden ng 24 points, habang nagdagdag ang nagbabalik na si Jay Wa-shington ng 19 kasunod ang 16 ni Alex Cabagnot, 12 ni Arwind Santos at 11 ni Denok Miranda para pantayan ng Boosters ang 2-0 baraha ng Rain or Shine Elasto Painters.
“The players already know their roles. Medyo nagkakaintindihan na sila,” ani Petron guru Ato Agustin.
Matapos magtabla sa halftime, 42-42, kumawala ang Boosters sa third period upang iwanan ang Bolts, may 1-1 record ngayon, sa 72-64.
Mula rito ay hindi na nilingon ng Petron, nanggaling sa 97-83 paggupo sa Powerade noong Mayo 20, ang Meralco, nakahugot ng 24 points kay balik-import Champ Oguchi, 19 kay Asi Taulava at 17 kay Sol Mercado.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Talk ‘N Text (0-1) at ang Air21 (0-1) habang isinusulat ito.