DUMAGUETE CITY, Philippines --Inaasahan ng Philippine Sports Commission (PSC) na makikita sa aksyon sina billiards superstars Dennis Orcollo at Efren ‘Bata’ Reyes para sa 2012 POC-PSC National Games na lalaruin sa Convention Center.
Ito ay matapos magsumite ng kani-kanilang listahan ng mga atleta ang dalawang grupo ng billiards associations sa PSC.
“Nakatanggap kami ng bagong listahan from the other (billiards) group. Pero walang recommendation and justification for their inclusion to the national pool,” ani PSC chairman Richie Garcia kahapon.
Idinagdag naman ni PSC Commissioner Jolly Gomez na binayaran na nila ang plane ticket nina Orcollo at Reyes at iba pang national cue artists para lumahok sa 2012 POC-PSC National Games.
“The other group requested that they should also be seeded kagaya nila Orcollo at Reyes. Sa tingin ko it will be an interesting match since both groups will try to win against the other,” ani Gomez.
Nakatakdang simulan ngayon ang mga labanan sa arnis, men’s basketball, men’s football, karatedo lawn tennis, sepak takraw, softball, table tennis, men’s at women’s indoor at beach volleyball.
Samantala, tiniyak naman ni Dumaguete City Mayor Manuel Sagarbarria na magiging matagumpay ang pamamahala nila sa 2012 POC-PSC National Games.
Pinuri naman nina Garcia at Gomez ang pagiging handa ng lungsod para sa nasabing sports event.
Ilan sa mga tubong Dumaguete na kumampanya sa Olympic Games ay sina national archers Mark Javier, Joan Chan Tabanag at Jennifer Chan.
Magsisimula ang archery event sa Lunes sa City High School grounds.
Sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, pinamunuan ni Fortunato Abad IV ang National Capital Region sa pagkuha sa gold medal sa all-around event ng men’s artistic gymnastics.
Sa cheerdance competitions, nagbida ang University of Santo Tomas matapos ilista ang 394.5 points.