MANILA, Philippines - Mula sa pagkakahubad ng kanyang korona, umiskor ng panalo si dating Filipino-American female bantamweight champion Ana Julaton.
Umiskor si “The Hurricane” ng tagumpay laban kay Mexican bet Yolanda “La Negra” Segura noong Mayo 4 sa Kanasin, Yucatan, Mexico.
Tinaguriang “Laban ng Lahi presents Bagyo Sa Mexico 2: Ana Julaton versus Yolanda Segura,” mapapanood ng mga Filipino boxing fans sa GMA Channel 7 ang naturang laban sa May 27 sa ganap na alas-11:05 ng umaga bago ang Party Pilipinas.
Nabigo ang 25-anyos na si Segura na magamit ang kanyang home court advantage mula na rin sa power punching rhythm ng 31-anyos na si Julaton patungo sa kanyang 10-round unanimous decision win.
Si Julaton ay nasa isang three-fight deal sa GMA Network.
Ang kauna-unahang Filipina boxer na nakakuha ng dalawang world titles at napabilang sa 100 Most Influential Filipinas noong 2009, tangan ni Julaton ang 10-3-0 win-loss-draw ring record.
“We all learn as we go and that will not happen again,” sabi ni Julaton sa kanyang unanimous decision kay Yesica Marcos ng Argentina noong Marso. “This is all about winning. I owe my Filipino fans around the world the title back and that is my mission.”