Batang Pinoy, Ka-Partner Sa Grassroots Sports Development

Todo na ang suporta ng Philippine Sports Commission sa mga grassroots sports program.

Sa pakikipag-usap natin sa mga taga-plano sa PSC, laser-like planning ang kanilang gagawin upang masiguro na makukuha nila ang mga batang may po­tensyal mula sa mga lalawigan.

Isa na nga sa iniisip nila na palakasin ay ang “Batang Pinoy” na idaraos sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Isa sa mga pagdarausan ay ang Oriental Mindoro.

Napiling maging host ang Oriental Mindoro sa ga­ga­naping ‘2012 Batang Pinoy Southern Tagalog Leg’ sa darating na ika-30 ng Setyembre hanggang ika-3 ng Oktubre.

Sa pakikipag-usap natin kay Rexner Rubio, isa sa mga tumutulong sa preparasyon sa Batang Pinoy sa Oriental Mindoro, inaasahang nasa 4,500 na mga atleta, trainers, coaches at iba pang miyembro ng mga delegasyon mula sa mga lalawigan ng Region IV-A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Re­gion IV-B (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) at Region V (Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, at Masbate) ang darating sa lalawigan upang lumahok sa nabanggit na sports competition.

Ngayon pa nga lang, sabi ni Rexner, ay sabik na ang mga taga-Oriental Mindoro sa pagdaraos ng “Batang Pinoy” sa kanilang lalawigan kaya’t ngayon pa lamang ay todo na rin ang paghahanda para sa kompetisyon.

Bilang paunang gawain, magkakaroon ngayon (Mayo 17, 2012) ng signing of Memorandum Agreement sina Gov. Alfonso Umali at PSC Chairman Richie Garcia. Kasama ring dadalo ang kinatawan ng Philippine Olympic Committee (POC), National Sports Asso­ciation (NSAs) at Department of Education (DepEd).

Ang pagdaraos ng ‘2012 Batang Pinoy Southern Tagalog Leg’ sa lalawigan ay bilang pag­kilala sa kakayahan ng lalawigan ng Oriental Mindoro na maging venue sa mga katulad na pambansang palakasan at iba pang mga mahahalagang gawain sa bansa.

Bukod sa makakatulong sa programang pang-sports ng mga pagdarausang lugar, ang Batang Pinoy ay isang pagkakataon upang mapalakas ang tu­rismo at komersyo sa lal­awigan.   Halimbawa ay ang inaasahang pagdagsa hindi lamang ng mga kalahok, kundi pati na rin ng mga bisita at turista sa Lungsod ng Calapan na siyang pagdarausan ng iba’t ibang sports events tulad ng archery, athle­tics, badminton, boxing, chess, dance sports, judo, swimming, table tennis taekwondo, lawn tennis at wrestling.

Ang mga atletang ma­ngunguna sa mga idaraos na Regional Qualifying Leg sa iba’t ibang lugar sa bansa ang lalahok sa National Batang Pinoy na nakatakdang ganapin sa Iloilo sa Dis­yembre.

Show comments