Viloria walang planong umakyat ng timbang

MANILA, Philippines - Bagamat dalawang beses naging matagumpay ang kanyang pagdedepen­sa sa suot na world flyweight crown, wala pang plano si Brian Viloria na umakyat ng weight division.

Ito ang pahayag kaha­pon ni Viloria, ang World Boxing Organization (WBO) flyweight champion, sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.

“I’m comfortable with my weight right now. I could easily make weight at flyweight,” wika ng 31-anyos na si Viloria.

Tinalo ni Viloria si Mexican Omar Niño Ro­mero via ninth-round technical knockout (TKO) sa kanilang pangatlong paghaharap noong Linggo sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.

Noong Disyembre ay umiskor si Viloria ng isang eight-round TKO win laban kay Mexican Giovanni Segura sa nasabi ring venue.

Ayon sa 2000 Sydney Olympian, may tatlo hanggang apat na taon pa siyang lalaban sa flyweight class.

“I’m staying here for just a while,” wika ng Fil-American fighter. “We’ll see what the higher weight will bring in to my plate in the future, but honestly, I’m very comfortable with what I am weighing now.”

Matapos ang PSA sports forum ay dumiretso naman si Viloria sa Manila City Hall para sa isang courtesy call kay Mayor Alfredo Lim kasunod ang isang maikling ticker tape parade.

Kahapon din pormal na tinanggap ni Viloria ang kanyang tropeo bilang isa sa mga major awardees ng nakaraang PSA Annual Awards Night noong Marso.

“It is a great honor for me to receive this award,” sambit ng five-footer na si Viloria.

Show comments