Pacquiao bumiyahe na sa US

MANILA, Philippines - Bumiyahe na kagabi patungong Estados Unidos si 'Pambansang Kamao' Manny Pacquiao upang ipagpatuloy sa Wild Card Gym sa Los Angeles ang kanyang paghahanda sa laban niya kay undefeated Timothy Bradley na gaganapin sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas.

Kasama ni Pacquiao sina chief trainer Freddie Roach, Filipino strength and conditioning coach Marvin Somodio at mga as­sistants na sina Buboy Fernandez, Nonoy Neri at Haplas Fernandez.

Si Somodio, dating outstanding amateur at kabilang sa coaching staff ng Shape-Up Boxing Gym ng Cooyeesan Hotel, sa Ba­guio City, ay siyang pu­malit kay Alex Ariza na ina­bandona ang Baguio trai­ning camp ni Pacman may tatlong linggo na ang na­kararaan.

Tinapos ng Team Pacquiao ang Baguio training camp noong Huwebes ba­go sila bumiyahe pabalik ng Maynila.

Itinuloy ni Pacquiao ang paghahanda sa kanyang MP Gym sa Sampaloc no­ong Biyernes hanggang Sabado ng umaga.

Nasa 40 hanggang 50 porsiyento ang status ng preparasyon sa lahat ng aspeto ng paghahanda at pupunuan nila ang anumang kakulangan sa tatlong linggong pamamalagi sa Wild Card at isang linggo sa Las Vegas bago ganapin ang laban sa MGM Grand.

“We have attained a little of everything in all phases of preparations, including punching power, speed, stamina, and physical conditioning while in Baguio,” pahayag ni Roach.

Nagbabala din si Roach na huwag maliitin si Bradley.

Show comments