MANILA, Philippines - Pinawi ni Nikko Huelgas ang mahinang panimula nang kakitaan ng malakas na pagtatapos upang hiranging kampeon sa male Under-23 na pinaglabanan sa unang araw ng 2012 K-SWISS ITU Subic Bay International Triathlon (SUBIT) na handog ng Century Tuna kahapon sa Subic Bay Freeport.
Ang 20-anyos, kumukuha ng business management course sa La Salle ay nangapa sa kanyang porma sa swim pero humataw ng todo sa bike at run upang maisumite ang nangungunang tiyempo sa kategorya na 2:01:41.
Ang kababayan na si John Lee Chicano na nagsanay ng dalawang buwan sa Australia ang pumangalawa sa 2:04:05 habang ang Malaysian na si Shimri Lim ang pumangatlo sa 2:08:32 oras.
“Marami akong pagkakamali sa karerang ito kaya hindi ako kontento sa ipinakita ko. Ang mga maling nagawa ko ay pipilitin kong itama para mas gumanda ang ipapakita ko sa mga susunod na karera,” wika ni Huelgas.
Nakisalo kay Huelgas na nakapagpasikat sa dalawang araw na karera na inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) katuwang ang K-SWISS, Century Tuna at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sina Bai Faquan ng China at Eri Kawashima ng Japan na kampeon sa elite division.
Ikalawang sunod na panalo sa huling dalawang linggo ang naitala ni Faquan nang kunin ang male elite title laban sa kinapos sina Benjamin Shaw ng Ireland.