MANILA, Philippines - Kumpirmado na ang pagdating ni Pangulong Benigno Aquino III upang maging panauhing pandangal sa pagbubukas ng 2012 Palarong Pambansa sa Mayo 10 sa Narciso Ramos Sports and Civic Center (NRSCC) grandstand sa Lingayen, Pangasinan.
Nagpulong noong Biyernes ang pamahalaang Lokal ng Pangasinan kasama ang mga kinatawan ng Presidential Management Staff, Malacañang Press Corps, Presidential Security Group, Protocol Officers, PNP Region I, DepEd Region I at iba pang ahensya.
Sa napagkasunduan, ang mga atleta at opisyales mula 17 rehiyon na magtatagisan sa iba’t ibang sports events sa loob ng isang linggo ay magkikita-kita sa NRSCC sa ganap na alas-6 ng umaga at isang oras matapos nito ay isasagawa ang parada.
Sa ganap na alas-10 ng umaga magsisimula ang opening ceremony kasama ang Pangulo.
Ang mga tinitingalang atleta mula Pangasinan tulad ni PBA player at dating MVP Danny Ildefonso ay inimbitahan para siyang magsindi ng torch na simbolo ng pagsisimula ng kompetisyon.
Si Goveror Amado T. Espino ang magbibigay ng welcome message at opisyal na tatanggapin ang Palaro banner mula kay Mayor Dominador G. Jalosjos, Jr. ng Dapitan City na siyang tumayo bilang punong abala noong 2011 edisyon.
Si DepEd Secretary Armin Luistro ang siyang magpapakilala sa Pangulo na magpapaunlak ng maikling pananalita at siyang magdedeklara na bukas na ang 2012 Palaro.