MANILA, Philippines - Bagamat natalo sa second at fourth set, nagawa pa din ng NCAA champion University of Perpetual Help na takasan ang National University, 25-15, 23-25, 25-17, 25-27, 15-12, para sa kanilang unang panalo sa 9th Shakey’s V-League kahapon sa The Arena sa San Juan.
Sinamantala ng Lady Altas ang mga mintis na atake ni Lady Bulldog Cal Nepomuceno para iposte ang 1-0 baraha sa Group A.
Ganap na sinelyuhan ni Thai import Kunbang Pornpimol, dating team captain ng Thai national junior team, ang panablang kill ni Rizza Mandapat para sa kanilang mahalagang dalawang puntos sa fifth set.
Nagtala ang Perpetual ng kabuuang 30 errors ngunit may limang players namang naglista ng double figures laban sa NU.
Humataw si Sandra delos Santos ng 26 hits, kasama dito ang anim na services aces, para banderahan ang Lady Altas, samantalang may 18 hits naman si Pornpimol, 15 si April Sartin, 12 si Honey Tubino at 11 si Norie Diaz.
Umiskor naman si Dindin Santiago ng 23 hits, kabilang ang dalawang blocks, para sa Lady Bulldogs, habang nagbigay sina Nepomuceno at Mandapat ng 18 markers.
Sa likod nina Delos Santos at Pornpimol, nagposte ang Perpetual ng 66 hits kumpara sa 43 ng NU bukod pa ang kanilang 54 digs at 49 sets.