MANILA, Philippines - Hindi malayong magkasama uli ang mag-amang Nathaniel “Tac” Padilla at Mica Padilla sa 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar.
Posibleng mangyari ito matapos pangunahan ng mga Padillas ang nilahukang events sa idinadaos na Philippine National Shooting Association (PNSA) tryouts sa PSC range sa Philippine Marines sa Fort Bonifacio.
Si Tac na siyang national champion at 17 beses na kinatawan ang bansa sa SEA Games ay kumulekta ng 568 puntos para talunin si Air Force Col. Connor Anthony Canlas ng 17 puntos sa center fire pistol event.
Napalaban si Padilla kay Canlas matapos makaungos ang huli ng isang puntos sa unang 20 shots sa slow fire stage. Pero nang tumungtong ang bakbalan sa rapid fire, humugot ng 289 puntos si Padilla laban sa 273 lamang ni Canlas upang magtapos ito taglay ang 551 iskor.
Dalawa pang airmen sa katauhan nina 2/Lt Bert Espiritu at Col. Jovito Teneza ang tumapos sa ikatlo at apat na puwesto sa 544 at 540 puntos.
Ang 20-anyos na si Mica na isang third year legal management student sa Ateneo de Manila University sa pasukan ay nagtala ng 533 puntos para manalo kina Shanin Gonzales (521) at Gloria Cabuslay (471) sa sport pistol competition.
Ang batang Padilla ay naging national player at naglaro sa 2009 SEA Games sa Laos at sumali rin sa 2010 World Cup sa Beijing, China.