MANILA, Philippines - Magpapalakas pa ang NLEX sa hangaring makuha ang isa sa dalawang awtomatikong puwesto sa semifinals sa pagbangga sa Erase Plantcenta sa PBA D-League Foundation Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang nasabing pagtutuos ay magsisimula dakong alas-4 ng hapon at ang Road Warriors ay aasinta sa kanilang ikaanim na sunod na panalo upang palawigin sa dalawang laro ang agwat sa mga naghahabol na Cebuana Lhuillier, Big Chill at Blacwater Sports na may 4-2 karta.
Tulad sa mga naunang mga laro ay angat na angat ang lakas ng Road Warriors sa Erasers kahit hindi pa rin magagamit ang serbisyo nina Calvin Abueva at Ian Sangalang na nasa US kasama ang San Sebastian team para magsanay.
“Nag-i-improve ang Erase sa bawat laro at galing din sila sa magandang panalo. Kaya hindi kami puwedeng magpabaya dahil lahat ng teams na kasali ay maaring manalo sa kanilang mga kalaban,” wika ni Road Warriors coach Boyet Fernandez.
Ang Erasers ay mayroong 2-3 karta at nangangailangan ng panalo para tumibay din ang asam na puwesto sa quarterfinals.
Ikaapat na sunod na panalo naman ang nakataya sa RnW Pacific Pipes sa pagharap sa Cagayan Rising Suns sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon.
Tinabunan na ng Steel Masters ang 0-2 start at huling tinalo ay ang CafeFrance, 89-75.
Unang panalo pa rin ang asam ng bagitong Suns at hindi dapat magpabaya ang Steel Masters dahil sa huling laro ng Cagayan ay pinakaba nila ang Boracay Rum bago isinuko ang 65-67 pagkatalo.