MANILA, Philippines - Hindi kinaya ng AirAsia Philippine Patriots ang maglaro gamit lamang ang isang import nang lasapin ang 79-104 pagkatalo sa kamay ng Indonesia Warriors sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa huling yugto naubos ang Patriots na nagamit lamang ang serbisyo ni Anthony Johnson dahil hindi pa kumilos ang pamunuan ng liga sa kahilingan ng host team na ibalik si Nakiea Miller matapos ang biglang pag-alis ni Chris Alexander.
Angat lamang ng tatlo ang Warriors, 69-66, matapos ang lay-up ni Jonathan Fernandez nang umulan ng puntos mula sa Warriors gamit ang transition game at tres.
Tumapos ang bisitang koponan taglay ang 13 tres laban sa iisa ng Patriots. Ang bench players ng dayuhang koponan ay nanaig din sa mga katapat sa host team, 54-32,upang makuha ng Warriors ang unang panalo sa tatlong pagkikita.
“The Patriots is a very deep and talented team and regardless of the fact that they had one import and the final score. It was a fight in the entire time. I was not comfortable until the final minute,” wika ni Warriors coach John Todd Purves na naitabla ang karta sa 9-9.
Si Evan Brock ay may 23 puntos at 12 rebounds habang si Fil-Am Stanley Pringle ay may 22 puntos kasama ang tatlong tres.
Si Steven Thomas ay may 18 puntos at 13 rebounds habang sina Allan Salangsang, Jerick Canada at Mario Wuysang ay may 13, 10 at 10 ayon sa pagkakasunod.