MANILA, Philippines - Hindi mapipigil ng kahit na sinong matataas na sports official ng bansa ang pagdaraos ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) International Club Crew Challenge sa Boracay mula Abril 26 hanggang 28.
Ito ang tiniyak ni PDBF president Marcia Cristobal na inihayag ang panggigipit na ginagawa ng POC at PSC upang hindi matuloy ang karera na lalahukan din ng mga dayuhang koponan mula Australia at Hong Kong.
“Maliit nga lamang ang grupo ng dragon boat ayaw pa nila kaming tigilan,” wika ni Cristobal nang dumalo sa SCOOP Manila sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Ang grupo ng Boracay Island Paddlers Association (BIPA) na sinasabing suportado ng Phlippine Canoe-Kayak Federation na siyang binigyan ng basbas ng POC at PSC upang hawakan ang dragon boat sa bansa, ay magdaraos din ng kanilang 6th Boracay International Dragon Boat Festival sa ganitong petsa.
Si POC president Jose Cojuangco, banggit pa ni Cristobal, ay tumawag kay Malay, Aklan Mayor John Yap na nauna nang nagpalabas ng Mayor’s Permit sa PDBF matapos magbayad ang asosasyon ng P40,000 noong Marso 16.
“Dahil sa pagtawag ni Cojuangco, pinipilit ni Mayor na i-revoke ang ibinigay na permit. Si chairman Ricardo Garcia naman ay gumawa ng direktiba noong Abril 10 na nagsasabi na ang PSC training boats ay maaari lamang gamitin ng mga koponang sasali sa BIPA. Talagang ginigipit nila kami,” wika ni Cristobal.
Hindi bababa sa 300 paddlers ang kumpirmadong lalahok sa dalawang araw na torneo na handog ng Cobra kaya’t anuman ang mangyari ay hindi sila uurong sa nasabing laban.
Magiging panauhing pandangal sa nasabing kompetisyon ang pangulo mismo ng International Dragon Boat Federation (IDBF) na si Mike Haslam ng UK upang lagyan ng kinang ang kanilang pakarera.