NLEX sasagasa ng 5-dikit na panalo

MANILA, Philippines - Masusukat uli ang lakas ng NLEX Road Warriors sa pagkikita nila ng karibal na Cebuana Lhuillier sa pag­papatuloy ng PBA D-Lea­­gue Foundation Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ang laro ay itinakda dakong alas-2 ng hapon at nais ng tropa ni coach Boyet Fernandez na palawigin ang pagpapanalo sa limang sunod

“Kailangan namin itong panalo na ito para lumayo sa mga naghahabol. Dapat ay patuloy na makita sa kanila ang intensity lalo na sa depensa,” wika ni Fernandez na hindi magagamit sa laro sina Calvin Abueva at Ian Sangalang na nasa US kasama ang kanilang NCAA team na San Sebastian.

Babalik naman sa Gems sina Kevin Alas at Yousef Taha mula sa injury list para lumalim pa ang arsenal ng koponang papasok sa laban mula sa 82-55 tagumpay sa Cagayan Ri­sing Suns para sa 3-1 baraha.

Hindi pa matiyak kung si coach Luigi Trillo pa ang didiskarte sa koponan pero pihadong pupukpok ang Gems para maihirit ang triple-tie sa unang puwesto.

Si Trillo ay itinalaga na bilang head coach ng Alaska Aces sa PBA.

Ikatlong dikit na panalo para tuluyang tabunan ang 0-2 start ang nakataya sa RnW Pacific Pipes sa pagbangga laban sa Café France sa unang tagisan sa ganap na alas-12 ng tanghali.

Galing ang tropa ni coach Alfredo Jarencio mula sa dikitang 69-67 at 74-73 panalo laban sa mga koponan ng Boracay Rum at Erase Plantcenta.

Sa kabilang banda, supilin ang tatlong sunod na pagkatalo sa apat na laro ang hangad ng Bakers upang manatiling palaban para sa puwesto sa quarterfinals.

Sa ngayon ay nasa pa­ngalawa sa huling puwesto sa standings ang Bakers at kailangang uminit uli ang kanilang laro upang hindi masama sa apat na koponang masisibak matapos ang single round elimination.

Show comments