MANILA, Philippines - Nakatakdang itaya ni Randy Petalcurin ang kanyang suot na Pan-Asian Boxing Association (PABA) light flyweight crown laban kay challenger Samartlek Chaiyong-gym ng Thailand sa Abril 21 sa Mandaluyong City Gym.
Ang laban ay isasaere ng AKTV sa IBC-13 sa ganap na alas-9 ng gabi.
Tangan ng 20-anyos na southpaw ang kanyang 16-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 13 knockouts kumpara sa 5-3-0 (3KOs) slate ng 27-anyos na Thai challenger.
“Alam ko na ang style niya, ang kilos niya, pero hindi ko maipapangako na mapapabagsak ko siya,” wika ni Petalcurin, kinuha ang bakanteng World Boxing Council (WBC) Asia Boxing Continental title via first-round TKO kay Yodchingchai Sithkonnapha noong Hunyo ng 2011.
Nakamit niya ang PBA light flyweight title matapos talunin si Michael Rodriguez via disqualification noong Agosto ng 2011.
Noong Setyembre ay binigo naman ni Petalcurin si Arnel Tadena sa pamamagitan ng isang ten-round unanimous decision bago isinunod si Jhera Tuyor via second-round KO noong Oktubre.
“Sa laban na lang natin makikita kung ano ang mangyayari sa ibabaw ng ring,” sabi ni Petalcurin sa kanilang suntukan ni Chaiyong-gym.
Kabilang naman sa nakasagupa ni Chaiyong-gym ay si dating International Boxing Federation (IBF) minimumweight titlist Muhammad Rachman ng Indonesia na kanyang tinalo via unanimous decision noong Enero ng 2011.
Nanggaling ang Thai fighter sa isang eight-round unanimous decision win laban kay Sammy Hagler ng Indonesia.
Samantala, pag-aagawan naman nina Ariel Delgado at Jhuriel Ramonal ang bakanteng Philippine Boxing Federation (PBF) super bantamweight crown, habang paglalabanan nina Rene Bestudio at Leonardo Doronio ang featherweight title.
Nasa boxing card din ang paghihilahan nina Rex Olisa at Richard Pumicpic para sa PBF bantamweight belt at ang labanan nina Edison Berwela at Jaymart Toyco para sa PBF flyweight crown.