MANILA, Philippines - Nakabangon na si Jeson Patrombon mula sa ankle injury na tinamo nang kumampanya sa Japan noong nakaraang buwan.
Sumalang na sa aksyon ang 19-anyos netter mula Iligan City sa idinadaos na Vietnam Men’s Futures 3 na ginaganap sa Ho Chi Minh City at natalo siya sa singles pero bumawi sa doubles.
Ang unang laro matapos ang halos isang buwang pahinga ay laban kay Constantin Belot ng France at naisuko niya ang 3-6, 1-6, iskor sa first round sa singles.
“Jeson didn’t play bad. It was the rustiness that was evident because he has been off for four to five weeks,” wika ni coach Manny Tecson.
Pinatunayan naman ni Patrombon na tama ang tinuran ng kanyang mentor dahil sa doubles katambal si Maik Burlage ng Germany ay nanaig ang tambalan laban kina Austin Karosi ng US at Kelsey Stevenson ng Canada, 3-6, 6-1 (10-7).
Lumabas ang tunay na laro ni Patrombon matapos ang 7-all iskor para makaabante sa quarterfinals.
Sunod nilang katunggali ang Vietnamese wild card na sina Minh Quan Do at Quoc Khanh Le na ginulat ang third seeds Hiroyasu Ehara at Kento Takeuchi ng Japan, 1-6, 6-4 (10-5).
Kung magtutuluy-tuloy, nananalig si Tecson na matutupad ang target nilang mapasok si Patrombon sa top 500 players sa mundo bukod pa sa pagsama nito sa Philippine Davis Cup team na kakaharapin ang Indonesia sa Finals ng Asia-Oceania Zone Group II tie sa Setyembre sa Jakarta.