CAUAYAN City, Philippines - Naipagpatuloy ni Arnel Quirimit ang mahusay na ipinakikita ng mga Filipino riders sa 2012 Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 katuwang ang Smart nang kunin nito ang Stage Two kahapon.
Kumawala kasama ang walong siklista pagpasok sa 60-kilometro sa 103.3-kilometer karera mula Tuguegarao City hanggang Cauayan City, Isabela, nakitaan pa ng lakas ang 36- anyos siklista ng Go21 sa huling 200-meters upang talunin sa rematehan ang 18-anyos na karibal na si Rustom Lim ng American Vinyl/LPGMA.
“Nagpalitan kaming lahat sa pagtatrangko pero noong malapit na sa finish line ay nagpahinga ako para mapaghandaan ang sprint dahil alam kong malalakas ang kalaban,” wika ni Quirimit, ang hari noong 2003 Tour Pilipinas na pinaglabanan sa 15-laps, na naorasan ng dalawang oras, 33 minuto at 46 segundo.
“Nagpapasalamat ako sa Poong Maykapal at binigyan niya ako ng maraming lakas. Nakatulong din ang pag-cross training ko sa mountain bike,” dagdag pa ni Quirimit na sinamahan si Stage One winner Oscar Rendole na dinomina ang unang dalawang araw sa apat na araw na karera na may ayuda rin ng Jinbei at Foton.
Si Lim na umani ng bronze medal sa road race sa 2011Asian Junior Championships, ay nakasama nina Timo Scholz ng CNN Cycling ng Netherlands, Joel Calderon ng Mail and More at Alexander Malone ng PureBlack ng Australia na nagkaroon ng identical clocking kay Quirimit para malagay sa ikalawa hanggang limang puwesto sa karerang tinulungan din ng WetShop, Maynilad, Nague Malic Magnawa& Associations Customs Brokers, Wow Videoke, UBEMedia, IWMI, Airphil Express at dzRH.
Kasama namang tumawid ni Rendole ang malaking pulutong ng siklista sa ikatlong grupo at kinapos ng mahigit na isang minuto sa unang grupo.
Dahil dito, naisuko na ni Rendole ang yellow jersey kay Scholz na tumapos rin sa ikatlong puwesto sa Stage One.
Ang tubong Leizpig rider na sumali rin noong 2010 Le Tour de Filipinas at tumapos sa top 20 ay may kabuuang oras na anim na oras, 18 minuto at 18 segundo.
Si Malone ang pumapangalawa sa overall race sa 6:18:44 habang si Loh Sea Keong ng OCBC Singapore team ang nasa ikatlo sa 6:18534 tiyempo.
Nanatili namang nangunguna ang Mail And More sa team classification nang sina Rendole, Joel Calderon at Rey Martin ay nagtulong-tulong sa pagtala ng best time kahapon na 7:43:34 tungo sa kabuuang 19:04:37 oras.
Angat sila ng 14 segundo sa pumapangalawang American Vinyl/LPGMA sa 19:04:51 habang ang Go21 ang nasa ikatlong puwesto sa 19:05:42.