Agawan sa yellow jersey papadyak ngayon

CAGAYAN, Sta. Ana, Philippines --Agawan sa pagsuot ng yellow jersey ang mangyayari sa hanay ng 80 sik­listang bubuo sa 16 koponan sa araw na ito sa paglarga ng 2012 Le Tour de Filipinas ngayong umaga.

Si Cagayan Representative Jackie Enrile ang si­yang binigyan ng pagkakataon na siyang magpa­putok sa starting gun matapos ang simpleng opening ceremony na dadaluhan din ni Air21 chairman at cy­cling godfather Bert Lina.

Makakasama sa sere­monyang magisimula sa ga­nap na alas-8:30 ng umaga ay si Sylvia Lina at ang Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-1) president at organizer na si Gary Cayton.

Ang Stage One sa apat na araw na karera sa bisikleta na handog ng Air21 at suportado ng Smart bukod sa ayuda ng Foton at Jinbei, ay isang 159.08 kilometrong karera mula Sta. Ana patu­ngong Tuguegarao City.

Nasasabik si Lina at iba pang nagpapatakbo sa LTDF dahil ngayon lamang isinagawa ang karera sa bisikleta sa rutang ito na katatampukan ng pagdaan sa stage four sa Northern Alps na kakikitaan ng dalawang mahahabang akyatin.

“Mahirap hindi siya matarik na matarik pero mahaba. Di tulad sa Kennon road may recovery, dito tuluy-tuloy ang ahunan,” wika ni two-time Tour champion at ngayon ay coach ng LPGMA/American Vinyl team Renado Dolosa.

Ang iba pang local teams na kasali ay ang Smart PhilCycling National team, Air21, Mail And More at Kia na makikipagtagisan sa mga bigating dayuhan na babanderahan ng TPT o Tabriz Petrochemical ng Iran.

Suportado rin ng Wet­Shop, Maynilad, Nague Malic Magnawa & Associates Customs Brokers,Wow Videoke, UBEMedia, IWMI, AirPhil Express at dzRH, ang CNN ng Netherlands, Aisan Racing Team ng Japan, OCBC ng Singapore, Suren ng Uzbekistan at Action ng Chinese-Taipei ang mga ibang continental teams habang ang Plan B ng Australia, PureBlack Racing ng New Zealand, Colissi Miche ng Indonesia at Indonesia National team ang kukumpleto sa mga bisitang koponan.

Walang inaasahang hirap sa siklista ang magaganap sa araw na ito dahil sa patag at sementadong ruta ito gagawin.

May kabuuang $16,540 ang premyong inilaan sa edisyong ito.

Show comments