Matuwid na daan sa PSC

Marami na naman ang nagtatanong sa atin.

Totoo daw ba na malakas si Philippine Sports Com­mission (PSC) chairman Richie Garcia sa kanyang puwesto? Kasi nga naman kahit napakarami na niyang palpak ay parang tapik lamang sa kamay ang ibinibigay sa kanya ng Malakanyang.

Hindi katulad nang ibang mga opisyal natin sa gob­yerno na kapag nagkamali ay napapagalitan o ka­ya ay tinatanggal sa puwesto. Ang iba naman ay umaalis na kusa para hindi na makapagdulot pa ng kahihiyan sa Malakanyang.

Pero kakaiba itong si Garcia.

Marami ang nakaobserba na sa dami ng mga kapalpakan nito ay wala pa ring ginagawa ang Mala­kanyang. Kung tutuusin nga ay maaaring ibilang na itong si Garcia sa mga NPA o non-performing asset ng gobyerno.

Sayang kasi. Tingin ko naman ay may maitutulong si­ya sa sports lalo na’t hawak niya ang isa sa pinaka­ma­taas na posisyon sa sports sa bansa. May mga re­sources din na nasa kanyang disposal kung ano ang gagawin.

Pero sabi ko nga, nakakapanghinayang. Kasi ba­lewala lahat nang ito dahil hanggang ngayon ay wala pa ring direksyon ang sports sa bansa. Kumbaga, hin­di pa rin nakikita ang matuwid na daan na sinasabi ni Pangulong Noynoy pagdating sa sports.

Sa obserbasyon natin, walang isang tunay na prog­rama ang PSC na maaaring makapagpaangat sa ka­lunus-lunos na kalagayan ng ating sports sa bansa.

Ang nakikita natin ay patse-patseng proyekto na ga­gawin lamang kapag nababalita na hindi maganda ang ipinakita ng bansa sa ganitong sports competition, o kaya ay may kon­trobersya sa ganitong na­tional sports agency ka­ya’t dapat na turuan ito ng leksyon.

Ipinagmamalaki ni Gar­­­cia ang kanilang prog­ramang 20-20 vision. Naiisip kaya niya na baka bago na ang ad­ministrasyon sa pana­hong iyon at hindi na gu­magana ang progra­mang ito?

Alam natin na ang po­litika at sports, sa aminin na­­tin at hindi, ay magkakambal. Kung aalis ang isang Pangulo ng bansa, aa­lis din ang namumuno sa PSC, kaya’t posibleng mabalewala ang pro­g­rama na kanyang ini­im­plementa.

Ang kinakailangan na­tin ay medium term approach. Iyong mapapakinabangan natin agad, at ma­­papakinabangan din na­­man ng susunod na ad­­ministrasyon. Kaila­ngang mag-isip ang mga nakaupo sa PSC. Kung hindi, patuloy na magta­tanong ang mga tao, kai­lan darating ang sports sa ma­tuwid na daan?

Show comments