MANILA, Philippines - Matinding init sa loob ng playing venue ang isa sa mga inaasahan ng Philippine Davis Cuppers para mapahirapan ang lumakas na Pakistan team sa gagawing Asia Oceania Zone Group II Davis Cup semifinals na magsisimula bukas sa Philippine Columbian Association (PCA) shell courts sa Plaza Dilao sa Paco, Manila.
“Yes, we are confident,” wika ni Philippine Davis Cup administrator Randy Villanueva sa tsansa ng koponan na manalo sa Pakistani upang umabante sa Finals na gagawin sa Setyembre 14-16 laban sa mananalo sa pagitan ng Thailand at Indonesia.
“We are the host and we have a surface that is only familiar to us, the shell court and the humid condition of PCA,” dagdag pa ni Villanueva.
Limang beses nagtuos ang dalawang bansa at angat ang bansa sa 4-1. Ang huling dalawang edisyon ay nangyari noong 2007 at 2009 at parehong nagdomina ang mga Filipino netters.
Sa PCA nilaro ang tagisan noong 2009 at kahit nauwi sa 3-2 ang final score, natapos ang bakbakan sa loob lamang ng dalawang araw dahil sina Cecil Mamiit at Treat Huey ay nanalo sa kanilang opening singles at doubles para sa 3-0 kalamangan.
Hindi na makakasama ng national team ang beteranong si Mamiit na hindi natalo sa limang laro laban sa Pakistan mula noong 2007.
Magbabalik si Huey at makikipagtambal kina Fil-Am Ruben Gonzales, Francis Casey Alcantara at beteranong si Johnny Arcilla.
Maglalaro sa unang pagkakataon sa laban kontra Pilipinas ang pambato ng bisitang koponan na si Aisam Qureshi upang samahan ang mga beterano noong 2009 na sina Aqeel Khan at Yasir Khan at bagitong si Muhammad Abid.
Ang draw ceremony ay gagawin ngayong alas-10 ng umaga sa PCA at malalaman kung sino ang mga maglalaban sa opening singles bukas na itinakda sa ganap na alas-10 ng umaga at alas-2 ng hapon.
Sa Sabado lalaruin ang doubles sa ala-1 ng hapon at ang reversed singles ay sa Linggo sa alas-10 ng umaga at alas-2 ng hapon.