MANILA, Philippines - Hindi napigil ang pagpapanalong AirAsia Philippine Patriots nang makahugot ng magandang laro sa mga off the bench players patungo sa 89-68 panalo kontra sa Chang Thailand Slammers sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) noong Sabado ng gabi sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Kumana muli sina import Anthony Johnson at Nakiea Miller pero malaking papel ang ginawa nina Eder Saldua at Eddie Laure sa ikatlong yugto kung saan ibinaon ng Patriots ang nagdedepensang kampeon.
Nagpakawala ng 14 sunod na puntos ang Patriots sa unang minuto ng ikatlong yugto upang ang dikitang 32-33 halftime score pabor sa bisitang koponan ay naging 46-33.
Mula rito ay hindi na nagpabaya pa ang tropang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco patungo sa pananatili sa liderato mula sa kanilang 12-2 baraha.
“Maganda ang full court press namin kaya nakabawi kami matapos ang mahinang laro sa first half. Basta maganda ang depensa namin ay makakakuha kami ng maraming puntos,” wika ni coach Glenn Capacio.
Ininda naman ng Slammers ang pagpasok ng mga bagong players dahilan upang mangapa ang mga ito sa kanilang sistema at malaglag sa ika-10 kabiguan matapos ang 15 laro.
Nanguna sa Slammers si Calvin Williams sa kanyang 27 puntos at 20 rebounds, habang ang bagong import na si Chris Garnett ay mayroong 15 puntos.
Susunod na kakaharapin ng Patriots ang Bangkok Cobras sa Miyerkules sa Bangkok, Thailand.