Sa dinami-dami ng puwedeng sampulan ng BIR sa kanilang pagpapatupad ng batas ay si Manny Pacquiao pa ang napili nilang upakan.
Ang ating national treasure. Ang ating pambansang kamao. Ang ating ipinagyayabang sa buong mundo. Ang ating tagapagtanggol.
Bakit si Pacquiao pa eh meron naman siguro diyang mga tunay na tax evaders. Sure publicity ba ang habol ng BIR sa pagpili sa kanya?
Halatang obvious na harassment ang ginawa kay Pacquiao. Pero nagsalita na ang hepe ng BIR at sinisi niya si Pacquiao sa mga kaguluhan.
Wala daw silang balak sirain ang imahe ni Pacquiao at di nila kasalanan kung may mga endorsement deals na naudlot para kay Pacquiao dahil sa issue.
Sabi pa ng BIR commissioner na kung nai-submit lang ni Pacquiao ang mga pertinenteng dokumento sa kanyang taxes sa 2011 ay tapos na ang issue.
Ayun naman pala eh. Kakulangan lang pala sa dokumento, at hindi tunay na tax evasion ang issue. Pero kinailangan pa nila ng full publicity sa media.
Di man lang nila binigyan ng konti pang panahon si Pacquiao kung pano nila bigyan ng konti ding panahon ang ibang taong may mga problema sa tax.
Oo, may kakulangan din si Pacquiao at ang kanyang mga alipores sa issue na ito. Pero di naman niya ito ugali dahil nung 2008 ay siya ang No. 1 taxpayer sa buong bansa.
Nagbayad si Pacquiao noong 2008 ng P125 million in taxes, pinakamalaki para sa isang individual
Di bale sana kung notorious si Pacquiao sa di pagbayad ng buwis. Pero hindi. Marahil ay sa nakaraang taon ay nagkaroon lang ng aberya sa submission ng mga dokumento.
Pero tinuluyan pa din siya ng BIR at dahil dito ay nag-suffer ang imahe ni Pacquiao. Pati ang media sa ibang bansa, lalu na sa America, ay binigyan na ito ng pansin.
Sabi nga sa amin ni Congressman JV Ejercito, nakakalungkot na para sa issue lamang ng kulang na dokumento ay sinira ng ating sariling gobyerno ang imahe ni Pacquiao.
“Crab mentality at its best,” wika ni JV.
Si Pacquiao ang pinakamalaking source ng pride ng ating bansa. Si Pacquiao na nakikipag-basagan ng mukha at nagbubuwis ng buhay sa loob ng ring.
Pero sa BIR bale wala ang lahat ng ito. Porke may kulang siyang dokumento ay willing silang sirain ang imahe ni Pacquiao.
Maayos man ang sitwasyon, the damage has been done.