MANILA, Philippines - Hindi matanggap ng mga Kongresistang sina Mark Sambar at JV Ejercito ang ginawa ng Bureau of Internal Revenue kay Sarangani Province Representative at pambansang kamao Manny Pacquiao.
“Malicious and untimely ang paglalabas nila ng kaso laban kay Manny. Ang masakit nito, ang gobyerno pa mismo ang gumagawa ng distraction sa pambansang boksingero na walang ginawa kundi ang magbigay ng karangalan sa Pilipinas,” wika ni Ejercito na kinatawan ng San Juan City.
Nagpahayag din ng suporta si Sambar kay Pacquiao na siyang chairman ng Partylist na PBA na kung saan ang nasabing kongresista ay nagmula.
“Matagal na nagsikap si Manny para magkaroon ng magandang imahe sa mundo pero sa isang iglap ay nasira ito. Siya nga ang saving grace ng bansa sa mga masasamang imahe sa international community pero tila hindi ito pinahahalagahan,” ani Sambar.
Naintindihan din ng dalawa ang puwes-to ng BIR sa paglalabas ng tax evasion case laban kay Pacquiao dahil mensahe nila ito na wala silang sasantuhin lalo na kung pagbabayad ng tamang buwis ang pag-uusapan.
Pero dapat umano ay pinag-isipan muna ng BIR ang kanilang hakbang lalo pa’t si Pacquiao ay iniidolo ng mga tao sa mundo at siya ring poster boy di lamang ng BIR kundi ng iba pang ahensya ng pamahalaan sa ngayon.
Tiwala naman sina Ejercito at Sambar na maaayos din ang problemang ito pero dapat na tumigil na sa kapapalabas ng statement ang BIR at mga taong wala namang kinalaban sa problemang ito.