MANILA, Philippines - Sa isang playoff game, ipinakita ni Mac Cardona kay rookie Fil-Am Marcio Lassiter kung ano ang kakayahan niya.
Kumolekta si Cardona ng 24 points, 7 rebounds at 5 assists para banderahan ang Meralco sa 102-98 pananaig laban sa Powerade at angkinin ang ikaapat at huling quarterfinals berth sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“Na-challenge ako kay Lassiter kasi magaling siyang player,” wika ni Cardona, humugot ng tig-9 points sa third at fourth quarter para sa Bolts.
Kinuha ng Meralco ang 29-20 abante sa first period hanggang makatabla ang Powerade sa 45-45 sa pagsilip ng third quarter.
Matapos ang pagbangon ng Tigers, isang 16-4 bomba ang inihulog ng Bolts sa likod nina Cardona, six-year NBA Veteran Earl Barron, Asi Taulava at Mark Macapagal upang iposte ang isang 12-point lead, 61-49, sa 7:55 ng nasabing yugto patungo sa kanilang 65-52 paglayo.
Huling nakadikit ang Powerade sa 98-100 agwat buhat sa isang three-point shot ni Lassiter sa natitirang 12.2 segundo kasunod ang dalawang freethrows ni Barron para sa 102-98 bentahe ng Meralco sa huling 7.8 segundo.
Kasalukuyan pang naglalaro ang B-Meg at Barangay Ginebra kung saan nila pinag-aagawan ang ikalawa at huling outright semifinals berth habang isinusulat ito at ang matatalo ang mahuhulog sa No. 3 sa quarterfinals at makakaharap ng No. 6 Meralco.
“Parehong mabigat na kalaban ang B-Meg at ang Ginebra. Pero ready kami kung sino ang makalaban namin sa kanila sa quarters,” sabi ni Cardona sa Llamados at Gin Kings.
Ang No. 1 at nagdedepensang Talk ‘N Text ang sumikwat sa unang outright semis ticket matapos talunin ang sibak nang Petron Blaze, 107-80, noong nakaraang Miyerkules.
Meralco 102 - Barron 33, Cardona 24, Taulava 16, Ross 12, Mercado 9, Hugnatan 4, Borboran 2, Macapagal 2, Timberlake 0.
Powerade 98 - Jones 20, Lassiter 20, David 20, Casio 14, Anthony 13, Kramer 5, Lingganay 4, Calimag 2, Vanlandingham 0, Allera 0, Cruz 0.
Quarterscores: 23-16, 45-43, 75-66, 102-98 .