MANILA, Philippines - Mga dating Tour champions at tinitingala sa larangan ng cycling sa bansa ang magsasama-sama sa mga local teams na makikipagtunggalian sa 11 dayuhan sa 2012 Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 mula Abril 14 hanggang 17.
Suportado ng Smart, Foton at Jinbei ang apat na araw na karera at mangunguna sa apat na local teams na nakabuo na ng kanilang panlaban si two-time champion Santy Barnachea na skipper ng Go21.
Hari ng 2002 FedEx Express Tour at 2007 Padyak Pinoy, makakasama ni Barnachea sina 2003 titlist Arnel Quirimit, Mountain King Baler Ravina, Ericson Obosa at Sherwin Carrera upang ipalagay na palaban ang koponang hawak ni Johnny Borja.
Si 2009 Padyak Pinoy champion Joel Caldero ang lider ng Mail and More at kakampi niya sa koponan ni Neil Barlis ay sina Oscar Rendole, Nicanor Guanzon, Alfredo Asuncion at Rey Martin.
Ang Amerycan Vinyl-LPGMA na hawak ng two-time Tour champion Renato Dolosa ay sasandal kina Cris Joven, Ronnel Hualda, Rudy Roque at Rustom Lim na nagwagi ng bronze medal sa 2011 Asian Juniors Championship sa road race.
Ikaapat na koponan at siyang sinasabing malakas ay ang Smart-PhilCycling national team na pamumunuan ni coach Norberto Oconer at bubuuin nina Lloyd Lucien Reynante, 2009 LPGMA Tour champion John Mark Galedo, Tomas Martinez, Lito Atilano at Ronald Gorantes.
Inorganisa ng Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-I) at suportado ng Maynilad, Nague Malic Magnawa & Associations Customs Brokers, Wow Videoke, Kia, UBEMedia at IWMI, ang mga dayuhan koponan na kumpirmado na ay TPT Cycling ng Iran, Terengani Cycling ng Malaysia, Suren ng Uzbekistan, Aisan Racing Team ng Japan, Dutch Global ng Netherlands, CNN ng Chinese Taipei, OCBC ng Singapore, Pure Black ng New Zealand, Plan B ng Australia, RTS/Giant Kenda ng Chinise Taipei at Colossi Miche ng Indonesia.